Isinusulong ng isang opisyal ng Commission on Elections (COMELEC) ang pagsasagawa ng mail voting sa May 2022 national at local elections.
Ayon kay COMELEC Commissioner Rowena Guanzaon, inaasahang magkakaroon ng high turnout ng boto kapag mayroong mail voting.
Aniya, ginagamit din ang paraang ito sa Estados Unidos at Korea.
Dagdag pa ni Guanzon, mas maraming Persons with Disability (PWD), buntis at mga senior citizens ang makaboboto kapag ginawa ang mail voting.
Para kay Guanzon, magiging ‘efficient’ at ‘impartial’ ang Philippine Postal Service.
Ang pagboto sa pamamagitan ng mail ay ginagamit na ng Poll Body pero sa overseas voting lamang.
Mas makakabuti rin aniya kung ang Local Absentee Voting (LAV) ay palalawakin kung saan mas maraming sektor ang maagang makaboboto bago ang araw ng halalan.
Sinabi ni Guanzon na kailangang i-imprenta ang mga balota halos 60 araw bago ang eleksyon at maberipika ng Law Department at ng COMELEC En Banc ang listahan ng mga kandidato.
Nitong Setyembre, suportado ng poll official ang House Bill 7572 ni Marikina 2nd District Representative Stella Quimbo na nagbibigay pahintulot sa mga senior citizens na makaboto sa pamamagitan ng mail sa gitna ng COVID-19 pandemic.