Dismayado si Manila 3rd District Rep. Joel Chua na sa mahigit 20 taon mula nang maisabatas ang Anti-Hazing Law noong 1995, isang hazing case lang ang naging final and executory matapos itong umabot at nadesisyunan sa Supreme Court noong 2015.
Ang tinutukoy ni Chua ay ang ang hazing death ni UPLB student Marlon Villanueva na pinatay noong 2006 ng mga miyembro ng Alpha Phi Omega fraternity.
Pahayag ito ni Chua, kasunod ng pagkamatay ng Criminology student na si Ahldryn Bravante dahil sa hazing at kabilang umano sa mga suspek ang mga miyembro ng Tau Gamma Phi Fraternity.
Binanggit ni Chua na madali umanong naareglo ang kaso kaugnay sa hazing kaya pinanghihinaan ng loob ang pamilya ng biktima bukod sa gastos at matagal na panahong gugugulin.
Dagdag pa ni Chua, madalas din ay mahina o butas-butas ang kasong isinasampa dulot ng palpak ang imbestigasyon at sablay o hindi nasusunod ang tamang proseso mula sa maling pag-aresto ng mga suspect hanggang sa pagsampa ng kaso prosecutor at sa korte.
Para kay Chua, walang improvement kaya patuloy pa rin ang hazing at hindi natatakot ang mga frat at iba pang grupo na nagsasagawa ng hazing dahil sa maliit na tyansa na sila ay maaresto at mahatulan.