Bantay sarado na ng militar ang Maimbung Sulu kasunod ng bakbakan nitong Sabado sa Brgy. Bualo Lipid sa pagitan armadadong grupo ni dating Maimbung Vice Mayor Pando Adiong Mudjasan at mga tropa ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) na nagtangkang magsibli ng arrest at search warrant.
Ayon kay 1101st Infantry Brigade Commander Brig. General Eugenio Boquio, ang pag seal-off sa lugar ay bahagi ng isinasagawang hot pursuit operations laban kay Mudjasan at sa kanyang grupo para mapigilan ang posibleng pagpasok ng iba pang mga sympathizers ni Mudjasan sa lalawigan.
Sinabi pa ni Gen. Boquio na umabot sa 50 ang mga tauhan ni Mudjasan noong mangyari ang engkwentro kung saan karamihan ay pawang mga magkakamag-anak na mula sa Moro National Liberation Front (MNLF)
Sa ngayon, pinaigting ng AFP katuwang ang PNP ang checkpoint at police visibility sa lugar upang madakip agad ang mga ito.
Matatandaang 16 ang sugatan sa insidente na kinabibilangan ng Special Action Force (SAF) troopers, AFP, sibilyan habang 1 pulis din ang nasawi.
Kinumpirma rin ng heneral na kasama si Mudjasan at kanyang kapatid sa mga sugatan sa inisyal na bakbakan noong Sabado.