
Nananatiling limitado sa iisang lane ang daloy ng trapiko sa bahagi ng Km 25, Caliking, Atok, Benguet dahil sa patuloy na masamang kondisyon ng kalsada.
Batay sa mga ulat, ipinatupad sa lugar ang one-way traffic scheme simula pa noong Hulyo 29.
Ito ay matapos ang magkakasunod na malalakas na pag-ulan na nagdulot ng pagguho ng lupa o landslide sa naturang bahagi ng kalsada.
Dahil sa sitwasyong ito, mabagal pa rin ang pag-usad ng trapiko, lalo na sa mga oras ng dagsa ng mga biyahero.
Patuloy namang nagsasagawa ng clearing at monitoring operations ang mga awtoridad upang matiyak ang kaligtasan ng mga motorista at mapabilis ang pagbabalik sa normal ng daloy ng trapiko.
Pinapayuhan ang mga motorista na magdoble-ingat at sumunod sa ipinatutupad na traffic scheme habang hindi pa lubos na naibabalik sa normal ang kondisyon ng kalsada.









