Pansamantalang isinara ng Commission on Elections (COMELEC) ang ilan nilang tanggapan simula pa kahapon, August 3, 2020.
Ito’y dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 kung saan sarado na ang main office ng COMELEC sa Intramuros, Maynila.
Maging ang opisina ng Regional Election Director ng National Capital Region gayundin ang mga tanggapan ng COMELEC sa Region IV-A at IV-B ay isinara na rin.
Magtatagal ang pansamantalang pagsasara ng mga nasabing opisina ng COMELEC hanggang August 16, 2020, Linggo at sa mga araw na iyon ay magsasagawa sila ng extensive disinfection at decontamination.
Dahil dito, suspendido muna ang pagpapalabas ng local at overseas Voters Certificates sa main office ng COMELEC.
Ang ibang mga opisyal at kawani naman ng COMELEC ay patuloy sa kanilang trabaho sa pamamagitan ng work from home basis.
Para sa iba pang impormasyon, maaaring magtanong o makipag-ugnayan ang publiko sa pamamagitan ng email ng COMELEC na info@comelec.gov.ph.