
Maraming lalawigan sa bansa ang makararanas ng mainit at maalinsangang panahon ngayong araw.
Batay sa highest heat index forecast ng PAGASA, aabot sa 71 lalawigan sa Luzon, Visayas at Mindanao ang makararanas ng 33°C hanggang 41°C, heat index o damang init na nasa ilalim ng Extreme Caution level.
Dahil dito, posibleng makaranas ng heat cramps at heat exhaustion, lalo na kung matagal na mabababad sa init ng araw.
Kabilang sa mga lugar na makararanas ng ganitong kondisyon ng panahon ang Sangley Point sa Cavite City, Dagupan City sa Pangasinan, Bacnotan sa La Union, Camiling sa Tarlac, Coron at Cuyo sa Palawan, San Jose sa Occidental Mindoro, Dipolog City, Muñoz sa Nueva Ecija, at Metro Manila.
Samantala, mas matinding alinsangan ang mararanasan sa Guiuan, Eastern Samar na maaaring umabot sa 43°C ang heat index.
Aabot naman sa 42°C sa Cotabato City at Dumangas, Iloilo; habang 41°C sa Tuguegarao City, Cagayan at Baler, Aurora.
Ayon sa PAGASA, ang mga nasabing antas ay kabilang na sa Danger level, kung saan posible ang heat cramps at heat exhaustion, at may banta ng heat stroke.










