Mainit at maalinsangang panahon sa ilang bahagi ng bansa, asahan hanggang Mayo – PAGASA

Posibleng tumagal pa hanggang sa ikalawang linggo ng buwan ng Mayo ang nararamdamang mainit at maalinsangang panahon lalo na sa ilang bahagi ng Luzon.

Sa panayam ng RMN Manila kay Ana Lisa Solis, Chief PAGASA Climate Monitoring and Prediction Section, posible ring madagdagan pa ang mga lugar makararanas ng dangerous level ng heat index kasabay na rin ng El Nino phenomenon.

Paliwanag pa ni Solis, ang nararamdamang hot at humid temperature ay dahil sa nakapaligid na bahagi ng tubig sa bansa.


Sa ganitong panahon ay mas mainit ang nararamdamang temperatura sa kapaligiran kaysa sa temperatura ng isang tao.

Pansamantala naman aniyang maiibsan ang mainit na panahon sa mga short duration rainfall na dulot ng localized thunderstorm.

Muli namang nanawagan ang PAGASA sa ating mga kababayan na bawasan ang exposure sa araw ngayong sobrang init ng panahon.

Kung maalala, kahapon ay naitala ang pinakamataas na heat index na 48 degrees Celsius sa Aparri, Cagayan.

Facebook Comments