MAINIT NA DISKUSYON SA PAGKAKAUDLOT NG MOTHER AND CHILD HOSPITAL SA DAGUPAN CITY, NAGPAPATULOY

Mainit ang palitan ng pahayag ng dalawang partido sa Dagupan City sa katotohanan hindi natuloy na pagtatayo ng Maternal and Children’s Hospital sa lungsod.

Sa naging press conference ng Team LiFe na pinangungunahan ng mag-inang Lim, tahasang inihayag ni Vice Mayoral Candidate Brian Lim na hindi naging sagabal ang 7 majority councilors sa umano’y ‘ilang taon na delay’ ng resolusyon para maipatayo ang pasilidad.

Binigyang-diin ng batang Lim na inalmahan lamang ng mga konsehal ang paglilipat sa lokasyon ng itatayong pasilidad sa lupain na pagmamay-ari umano ng kasalukuyang alkalde sa De Venecia Extension Highway tulad ng naudlot nitong plano noon na gawin sa City Hall.

Sa kabila umano ng mga paratang ng pamumulitika sa Maternal and Children’s Hospital ay ipinasa ng pitong majority councilors ang kaukulang resolusyon upang masimulan na ang konstruksyon noong Oktubre 2024 ngunit pinatagal umanong lagdaan ng alkalde hanggang 2025 upang isisi umano sa pito.

Samantala, iginiit naman ng partido nina Re-Electionist Mayor Fernandez at Vice Mayor Kua na ilang taon inantala ng mga konsehal ang resolusyon mula 2022 hanggang 2024 hanggang sa hindi na maaaring gamitin ang inilaang milyong pondo na nakasaad sa General Appropriations Act.

Matatandaan na ginanap noong Disyembre 2024 ang groundbreaking ng naturang ospital sa dating gusali ng Land Transportation Office sa Brgy. Poblacion Oeste.

Kaugnay nito, inihayag din ni Former Brian Lim na hindi aatras sa anumang paratang para sa katotohanan.

Nanindigan naman ang alkalde na itutuloy pa rin ang pagtatayo ng ospital at maglalaan ng pondo para sa kalusugan ng mga Dagupeño. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨

Facebook Comments