Pinuri ni House Speaker Martin Romualdez ang mainit na pagsalubong kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ng mga Pilipinong nagtatrabaho at naninirahan sa Estados Unidos.
Si Romualdez ay kasama sa delegasyon ni Pangulong Marcos nang siya ay humarap sa mga Pilipino sa New Jersey Performing Arts Center.
Diin ni Romualdez, ang nag-uumapaw na suporta at tiwala ng mga Pilipino sa Amerika ay magsisilbing inspirasyon kay PBBM at paalala sa mandato nito na parating sa mga world leader ang posisyon ng Pilipinas sa ilang mahalagang isyu ng tulad ng climate change, food security at rule of law.
Kasabay nito ay tiniyak ni Romualdez sa Filipino Community sa US ang hindi matatawarang suporta ng House of Representatives sa mga programa ni President Marcos para mapahusay ang ekonomiya at antas ng pamumuhay ng mamamayan sa bansa.
Ito ay para hindi na kailanganin pa ng mga ating mga kababayan na magtrabaho sa ibayong-dagat.
Kaugnay nito, kinilala rin ni Romualdez ang pagiging modern day heroes ng mga Pilipino sa abroad na may malaking ambag sa ating ekonomiya sa pamamagitan ng dolyar na ipinapadala nila sa kanilang mga pamilya na nagpatatag sa halaga ng ating salapi.