Patuloy ang pagbaba ng kaso ng COVID-19 sa buong bansa at sa National Capital Region (NCR).
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni OCTA Research fellow Dr. Guido David na nakikita nila sa pagtatapos ng Nobyembre ay mas mababa na sa 500 na kaso ng sakit kada araw ang maitatala sa bansa at 100 na kaso na lang din kada araw naman sa NCR.
Ayon kay David, ito ay kung magpapatuloy ang mababang trend sa mga susunod na linggo.
Sa ngayon aniya ay maganda ang naitatala nilang mga numero, kung saan sa seven day average ay 210 COVID cases na lamang, pinakamababa bago ang nakitang wave o pagsipa ng kaso noong panahon ng eleksyon.
Ang reproductive number aniya ay naitala na lamang sa 0.68%, -0.38% na lamang ang growth rate, habang 28% na lamang ang healthcare utilization rate.
Kasunod nito, inihayag ni David na mukhang magiging maganda ang paparating na holiday season sa bansa.
Sa buong bansa ngayon ay nasa 907 na lamang kaso ng COVID-19, pababa na rin sa mga probinsya at ilan na lang na lugar ang may pagtaas.
Kabilang aniya sa mga lugar na bumaba na ang positivity rate o bilang ng mga nagpopositibo sa naturang sakit ay ang Rizal; Bulacan; Pampanga; Cavite; Laguna; Batangas; Central Luzon; Ilocos Norte; Visayas; at Davao.
Dagdag pa ni David, ang mayroong na lamang naitalang pagtaas ng COVID-19 positivity rate sa Benguet dahil sa malamig na klima at ilang liblib na lugar.