Manila, Philippines – Magkakaroon ng rigodon sa Mababang Kapulungan matapos na makumpirma na bababa na sa kanyang pwesto si House Majority Leader Rolando Andaya.
Kinumpirma ni House Deputy Speaker Fredenil Castro ang impormasyon kung saan iaanunsyo ang pagbaba sa pwesto ni Andaya sa sesyon ngayong hapon sa plenaryo.
Nabatid na si Castro ang i-no-nominate ni Andaya na kapalit niya bilang Majority Leader.
Ipinaliwanag ni Castro na ang pagbaba sa pwesto ni Andaya ay walang kinalaman sa ginagawa nitong imbestigasyon kay Budget Secretary Benjamin Diokno at sa mga natuklasang iregularidad sa Department of Budget and Management.
Plano namang kunin ni Andaya ang pagiging Chairman ng House Appropriations Committee.
Itinanggi din ni Castro na may kinalaman sa rigodon ang palasyo ng Malakanyang.
Paliwanag nito, ang pagpalit niya kay Andaya bilang Majority Leader ay bahagi ng kanilang ‘gentlemen’s agreement’.