Majority senators, naghain ng sariling resolusyon na humihiling para pahintuin ang EJK

Manila, Philippines – Inihain ng 16 na senador na kasapi ng Majority Bloc ang senate resolusyon 518 na nagpapahayag ng matinding pagkondena sa Extra Judicial Killings o EJK at humihiling sa Duterte administration na gawin ang lahat ng paraan para ito ay mahinto.

Tinukoy sa resolusyon ang record ng Philippine Information Agency na nagsasabing umaabot na 12,833 ang naitatalang kaso ng pagpatay sa bansa.

Kasama dyan ang mga kabataang biktima tulad nina Kian Loyd Delos Santos, Carl Arnaiz, Reynaldo de Guzman, Jefferson Bunuan, Leo Sarmiento, Raymart Siapo, at Roman Manois.


Iginiit sa resolusyon na dapat tiyakin ng mga otoridad na lahat ng kanilang operasyon ay naayon sa batas at konstitusyon.

Wala rin anilang puwang sa isang sibilisado at demokratikong lipunan ang mga indibidual na nasa likod ng pagpatay.

Ang paghahain ng resolusyon ay makaraang maglabas ng matinding galit sina Senator Tito Sotto III, Richard Gordon, Manny Pacquiao, Juan Miguel Zubiri, Cynthia Villar makaraang sila pati sina Senate President Koko Pimentel at Gringo Honasan ay siraan at batikusin sa isang artikulo na kumalat sa social media.

Ang dahilan ay ang hindi nila pagpirma sa senate resolution number 516 na isinulong ng opposition senators na humihiling din sa gobyerno na tuldukan ang talamak na kaso ng pagpatay kung saan biktima din ang mga kabataan.

Sabi ng pitong senador, hindi sila nakapirma dahil hindi naman ipinakita sa kanila ang nabanggit na resolusyon ng minority senators.

Facebook Comments