MAKABAGONG MECHANICAL DRYERS NG NFA SA ILOCOS NORTE, INAASAHANG MAGPAPATATAG SA SUPPLY NG BIGAS SA LALAWIGAN

Nagsimula na ang National Food Authority (NFA) sa pag-install ng apat na 30-metric ton batch recirculating mechanical dryers sa kanilang pasilidad sa Dingras, Ilocos Norte, isang hakbang tungo sa modernisasyon ng post-harvest infrastructure sa lalawigan.

Ayon kay Liza Balagot, Acting Regional Manager II ng NFA Ilocos, inaasahang mapapalakas ng proyekto ang kapasidad ng magpapatuyo ng palay, magpapalawak ng kakayahan ng ahensya na bumili ng palay mula sa lokal na magsasaka, at makatutulong sa pagpapanatili ng suplay at presyo ng bigas sa rehiyon.

Pinondohan ang proyekto mula sa 2023 Capital Outlay Budget ng NFA na may halagang ₱130 milyon at bahagi ng Phase 1 ng Post-Harvest Facility Modernization Program, na kaakibat ng Department of Agriculture’s Masagana Agri-Food Infrastructure Modernization (MAFIM) initiative.

Inaasahang matatapos ang pasilidad sa loob ng sampung buwan, hindi kasama ang procurement activities.

Itinuturing ng ahensya ang proyekto bilang konkretong pamumuhunan sa agrikultura ng Ilocos Norte, na magpapalakas sa supply ng palay, magtitiyak ng buffer stock, at magpapabuti sa kita ng lokal na magsasaka.

Facebook Comments