
Ibinida ng Pamahalaang Lungsod ng San Carlos ang makabagong teknolohiya para sa dialysis treatment sa isinagawang ribbon-cutting ceremony ng Mayor Julian Valerio Resuello Memorial Dialysis Center noong Pebrero 16, bilang hakbang upang mapalawak at mapalapit ang serbisyong pangkalusugan sa mga residente.
Ayon sa lokal na pamahalaan, inaasahang magsisimula ang operasyon ng pasilidad sa kalagitnaan ng 2026, sa sandaling maaprubahan ang License to Operate mula sa Department of Health.
Kayang magbigay ng humigit-kumulang 1,000 dialysis treatment cycles ang center para sa mga pasyenteng nangangailangan sa lungsod.
Sasagutin ng PhilHealth ang gastusin sa treatment, habang maglalaan naman ng karagdagang pondo ang lokal na pamahalaan para sa iba pang kaugnay na gastos upang matiyak ang tuloy-tuloy na serbisyo.
Itinayo ang pasilidad upang tugunan ang kakulangan ng dialysis slots sa lungsod na nagiging dahilan ng pagbibiyahe ng ilang pasyente sa ibang bayan.
Kumpleto na ang mga kagamitang gagamitin, na ayon sa pamahalaang lungsod ay kabilang sa mga pinakabagong teknolohiya sa bansa, at hinihintay na lamang ang pinal na pahintulot ng mga kinauukulang ahensya bago ang pormal na pagbubukas. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










