Makabayan Bloc, hinihingi ang paliwanag ng PCOO sa ginagawa nilang red tagging; Basilan Rep. Mujiv Hataman, hinamon ang AFP na patunayan na nag-eenganyo ng terorismo ang mga Muslim school

Muling umalma ang ilang miyembro ng Makabayan Bloc sa Kamara sa naging pahayag ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Undersecretary Lorraine Badoy sa pagtawag sa kanila bilang mga kasapi o miyembro ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA).

Sa ginanap na deliberasyon para sa P1.587 billion na budget ng PCOO para sa 20201, iginiit ni Act Teachers Party-list Rep. France Castro kung paanong nakakuha ng impormasyon si Badoy sa sinasabing listahan na kasabwat sila ng mga rebelde gayong wala naman itong hawak na ebidensiya.

Bukod dito, tila pine-personal umano ni Badoy ang mga kritiko ng administrasyon base naman sa pahayag ni Bayan Muna Rep. Ferdinand Gaite.


Bagama’t hindi makasagot ng direktahan, sinagot naman ni Bataan Rep. Joet Garcia na siyang budget sponsor, na nakuha ang nasabing impormasyon sa sinumpaang pahayag ng mga dating rebelde kung saan ang lahat ng mga pahayag o mga deklarasyon na galing sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflicts ay base sa mga ebidensya na nanggaling sa iba’t ibang ahensya ng ating pamahalaan at ng gobyerno pati na rin sa testimonya ng mga witness na kanilang nakakausap.

Samantala, hinamon ni Basilan Rep. Mujiv Hataman si Armed Forces of the Philippines(AFP) Chief General Gilbert Gapay na patunayan ang alegasyon nito na ang Madrasa o ang Muslim Schools may kaugnayan sa terorismo.

Giit ni Hataman, siya mismo ay produkto ng isang Madrasa at sa limang taong pag-aaral niya dito ay hindi ito nakarinig ng kahit na anung turo tungkol sa terorismo kung saan itinuturo sa kanila na huwag gumawa ng masama at manakit ng kapwa.

Ang hamon ni Hataman ay bilang reaksyon sa pahayag ni kay Gapay na tinitignan ng military ang posibilidad na ang radicalization sa Madrasa ang isa sa sanhi ng pagdami ng suicide bombers sa bansa.

Iginiit pa ni Hataman na mapanira at mapaghusga ang pahayag na ito ni Gapay na malinaw na walang basehan.

Facebook Comments