Isinusulong ng Makabayan Bloc sa Kamara na pagtibayin ang 1989 UP-DND Accord at ang academic freedom ng lahat ng academic institutions.
Sa House Resolution 1491 na inihain ng anim na mga kongresista ng Makabayan, mariing tinututulan ang pagkansela ng National Defense sa 1989 UP-DND Accord kung saan dapat munang magpaalam sa institusyon ang state forces bago makapasok sa loob ng campus.
Giit ng mga kongresista, ang kasunduan ay isang mutually binding agreement na hindi maaaring ibasura o buwagin ng iisa lamang na partido.
Ang unilateral abrogation sa kasunduan na 30 taong kinikilala ay direktang panghahamak sa civilian institutions at nakakabahala dahil maaaring maging daan ito ng militarisasyon at paglabag sa karapatang pantao.
Nakasaad pa sa resolusyon na ang kanselasyon sa accord ay pagmamaliit sa academic freedom at banta rin sa kalayaan at seguridad sa malayang pagpapahayag ng saloobin at mapayapang pagtitipon.
Dagdag pa ng Makabayan, ang mga paaralan ay dapat na magsilbing safe zone na malaya sa anumang police at military presence, intervention, harassment at intimidation.