
Nananawagan ang mga kongresistang kasapi ng Makabayan Bloc sa Senado at Kamara na magsagawa ng emergency session para ipasa ang mga panukalang batas na makakatulong para maibsan ang epekto sa bansa at sa mamamayan ng krisis sa langis.
Pangunahing tinukoy ng Makabayan Bloc na mga panukalang dapat isabatas ang magpapatigil sa excise tax at Value Added Tax sa langis, magpapatupad ng regulasyon at transparency upang pigilan ang overpricing at profiteering, tanggalin ang Oil Deregulation Law framework at buwisan ang oil profits para mapondohan ang mga subsidiya.
Kasabay nito ay mariing kinokondena nina Representatives Antonio Tinio, Sara Elago at Renee Co ng Makabayan bloc ang pahayag ng administrasyon na walang umiiral na krisis sa produktong petrolyo.
Diin nila, malinaw na apektado na ang mga Pilipino ng pandaigdigang problema sa suplay at presyo ng langis, tumataas na presyo ng kuryente at mga pangunahing bilihin.
Diin ng Makabayan Bloc, dapat harapin ng gobyerno ang katotohanan na wala nang normal sa sitwasyon ngayon dahil araw-araw na pinapabigat ang buhay ng manggagawa, drayber, magsasaka, kabataan, at maralita.










