Makabayan Bloc, idadaan sa “fashion” ang protesta sa SONA

Itutuloy ng Makabayan Bloc ang kanilang nakagawiang “fashion protest” tuwing State of the Nation Address (SONA).

Bagama’t hindi makakadalo sa ika-limang SONA ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa COVID-19, ipagpapatuloy naman ng mga miyembro ng Makabayan ang nakagawiang pagsusuot ng mga kasuotang nagpapakita ng protesta mula sa iba’t ibang sektor.

Isang barong na may pintang mga tao na nakataas ang kamay at nakatakip ang bibig na sumisimbolo sa pagpapabasura sa Anti-Terrorism Law at face mask na gawa sa abaca na may nakaguhit na mga taong nananawagan sa mass testing, pagpapaigting sa contact tracing at treatment ng COVID-19 patients ang isusuot ni Bayan Muna Partylist Rep. Carlos Isagani Zarate.


Isa ring “hand-painted barong” ng mga manggagawang nananawagan ng pagkakaisa para protektahan ang demokrasya na may mga simbolo at watawat ng Estados Unidos at China ang kay Bayan Muna Rep. Ferdinand Gaite.

Samantala, para kay Bayan Muna Rep. Eufemia Cullamat ay isang tradisyunal na kasuotang Manobo na may alampay na kumakatawan naman sa panawagan ng mga indigenous people ang kanyang isusuot.

Black terno at hand-painted face mask na may mga imahe ng mga kababaihang umaapela ng karapatang pantao, kabuhayan at kalusugan ang isusuot ni Gabriela Partylist Rep. Arlene Brosas.

Parehong magsusuot din ng alampay sina ACT-Teachers Partylist Rep. France Castro at Kabataan Partylist Rep. Sarah Elago na nanawagan naman sa ligtas at dekalidad na edukasyon ngayong may pandemya at panawagan laban sa kontraktwalisasyon, paggalang sa human rights at iba pang hamon sa edukasyon sa mga kabataan.

Facebook Comments