Makabayan Bloc, kumalas na sa majority group sa Kamara

Manila, Philippines – Pormal nang kumalas ang Makabayan Bloc sa Majority Coalition sa Kamara.

Ang Makabayan Bloc ay kinabibilangan nina Rep. Act Teachers partylist representative Antonio Tinio, at France Castro; Gabriela Women’s partylist representative Emmi de Jesus, at Arlene Brosas; Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate; Anakpawis Rep. Ariel Casilao; at Kabataan Rep. Sarah Elago.

Kasunod nito ay inanunsyo ng grupo na ngayong humiwalay na sila sa Supermajority sa Kamara, mas magagampanan na nila ang kanilang papel bilang oposisyon sa Duterte administration na nagpakita na anila ng mukha ng pagiging pasista, pro-imperialist at anti-people.


Sa kanilang statement, sinabi ng grupo na ang pagsali nila sa majority coalition ay sa kondisyong malaya silang makakapagpahayag ng oposisyon sa ilang polisiya ng gobyerno.

Pero nang magsalita na sila laban sa war on drugs, death penalty, Marcos burial at iba pang isyu, ay inalisan sila ng committee chairmanship.

Maituturing na pag-abandona sa kanilang prinsipyo at tungkulin kung ipagpapatuloy pa nila ang pagsuporta sa isang pangasiwaan na inabandona na rin ang mga mahihirap at mga napabayaang sektor sa lipunan.

Facebook Comments