Makabayan bloc, muling itinanggi na kasapi sila ng CPP-NPA; red-tagging sa kanila ng gobyerno, pagtatakip sa kakulangan ng pamahalaan ngayong may krisis

Muling pinasinungalingan ng mga myembro ng Makabayan bloc na front o kasapi sila ng CPP-NPA-NDF.

Kasunod ito ng banat ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanilang grupo na sila ay kasapi ng mga rebeldeng komunista at sangkot din sa conspiracy para pabagsakin ang pamahalaan.

Tahasang itinanggi ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate na siya ay kabilang sa New People’s Army (NPA).


Sila aniya ay mga lehitimo at rehistradong partylist groups na inihalal ng publiko at nagsisilbi hanggang ngayong 18th Congress.

Para kay Zarate, pinapalutang lamang ang isyu ng red-tagging para mapagtakpan ang kakulangan ng gobyerno sa pagtugon sa mga krisis lalo na ngayong may COVID-19 pandemic.

Sinabi naman ni Bayan Muna Rep. Ferdinand Gaite na nasa utak lamang ng Presidente ang “conspiracy” dahil wala aniyang nag-e-exist na sabwatan para pabagsakin ang gobyerno.

Pero aminado si Gaite na hindi maitatanggi na marami ang hindi kuntento sa paraan ng pamamahala ni Pangulong Duterte lalo pa’t nagkasunod-sunod ang kalamidad at pandemya sa bansa.

Tinawag naman ni ACT Teachers Rep. France Castro si Pangulong Duterte na hari ng red-tagger at siya umanong nagpapalakas ng loob ng militar at PNP sa patuloy na pag-uugnay sa kanila sa rebeldeng komunista.

Naniniwala naman ang mga kongresista na ang red-tagging at terrorist-tagging sa kanila ay paghahanap na lamang ng gobyerno ng dahilan para sila ay ma-disqualify sa 2022 elections at tuluyan ng maalis sa Kongreso.

Facebook Comments