Inihain ng Makabayan sa Kamara ang kanilang bersyon ng Anti-Endo Bill.
Ayon kay Bayan Muna Rep. Ferdinand Gaite, ang kanilang bersyon ng anti-endo bill o House Bill 3381 ay pro-worker at may mas malakas na security of tenure.
Iginiit ni Gaite na kailangang ituloy ang laban para tuluyang wakasan ang kontraktwalisasyon matapos i-veto ni Pangulong Duterte ang ipinasang endo bill ng nakaraang 17th Congress.
Sa ilalim ng panukala, aamyendahan ang Section 2 Article 106 ng Labor Code of the Philippines kung saan tuluyang ipagbabawal ang lahat ng uri ng kontraktwalisasyon at fixed term employment.
Ipagbabawal din ang direct hiring ng contractual employees.
Ang lahat ng manggagawa maliban sa mga nasa ilalim ng probationary employment ay ituturing na regular kabilang na ang seasonal employees.
Binigyang diin ng Makabayan bloc na walang ‘healthy balance’ sa usapin ng endo dahil walang benepisyo, walang proteksyon, walang pagkakataong ma-promote at kadalasang target ng diskriminasyon ang contractual workers.
Matatandaang na-veto ni Pangulong Duterte ang anti-endo bill dahil sa kawalan ng healthy balance sa pagitan ng mga employees at mga employers.