Sinimulan na ng Makabayan Bloc ang pangangalap ng pirma sa Kamara para mabuo ang kailangang one-third o 106 na mga kongresista na pipirma sa Resolution para sa Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte alinsunod sa konstitusyon at rules ng Kongreso.
Ang makabayan bloc ang nag-endorso ng ikalawang impeachment complaint laban kay VP Sara na inihain ng 72 mga indibidwal mula sa iba’t ibang sektor sa pangunguna ng grupong BAYAN at Makabayan.
Ayon kay ACT Teachers Representative France Castro, ang kwestyunableng paggastos ng tanggapan ni VP Sara sa kabuuang 612.5 million pesos na confidential funds ay hindi simpleng paglabag kundi sistematikong pagnanakaw sa kaban ng bayan na hindi dapat pinapalampas.
Giit naman ni Kabataan Representative Raoul Manuel, integridad ng pagsi-serbisyo sa publiko ang nakasasalay kaya dapat managot si VP Sara sa pagtataksil sa tiwala ng taumbayan.
Malinaw naman para kay Gabriela Women’s Party Representative Arlene Brosas na paglabag sa prinsipyo ng public accountability ang pag-iwas ni VP Duterte sa imbestigasyon at mga pagdinig ng Kamara sa halip na magpaliwanag.