Pasig City – Maghahain ang Makabayan Bloc ngayon sa Kongreso ng isang resolusyon para pa-imbestigahan ang nangyaring karahasan kahapon sa Eastbank Road, Barangay Sta. Lucia, Pasig City.
Sa pagbisita ni Bayan Muna Partylist Representative Carlos Zarate sa mga naarestong miyembro ng Kadamay at ilang residente ng East Bank Road na nakapiit ngayon sa Eastern Police District Headquarters sinabi nitong dapat maimbestigahan ang tinagurian nitong “madugong dispersal.”
Iginiit ng kongresista na dapat pakinggan ng pamahalaang lokal ang hinaing ng mga residente sa gilid ng floodway.
Tutol din ang mga ito sa relokasyon dahil bukod sa maliit ang bahay, malayo pa ito sa kanilang trabaho at eskwelahan ng kanilang mga anak.
Kwento pa ni Zarate, matapos makipagdayalogo sa ilang residente, ibinahagi nila ang naging karanasan matapos i-disperse ng mga pulis kahapon.
Ang ilan umano sa mga ito ay pinasok sa bahay at basta na lamang dinampot ng mga pulis.
Paki-usap din ng mga residente na makipagdayalogo si Mayor Eusebio sa kanila at huwag silang paalisin sa lupa’t bahay na kanilang inuukupahan sa loob ng 40 taon.