MAKABAYAN, hinamon si Pangulong Duterte na isapubliko na ang kaniyang SALN

Hinamon ng MAKABAYAN Bloc sa Kamara si Pangulong Rodrigo Duterte na isapubliko na ang kanyang latest Statement of Assets Liabilities and Net Worth (SALN).

Ang hamon ay kasabay ng paglalabas kahapon ng mga kongresista ng MAKABAYAN ng kopya ng kanilang SALN.

Giit ni Gabriela Partylist Rep. Arlene Brosas, sa 30 taon ay ito ang unang pagkakataon na may Pangulo na hindi naglabas ng kanyang SALN at kinakailangan pa munang humingi ng permiso sa Pangulo bago ilabas ng Ombudsman ang kanyang SALN.


Karapatan aniya ng publiko na malaman ng publiko ang total net worth ng Pangulo lalo pa’t pinangangalandakan ng pamahalaan ang paglaban sa korapsyon.

Ang pagsasapubliko ng SALN ay bahagi rin aniya ng transparency na dapat pinangungunahan ng Punong Ehekutibo.

Hinamon naman ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate ang Office of the Ombudsman na huwag limitahan ang paglalabas ng SALN dahil ito ay obligasyon nila sa taumbayan alinsunod na rin sa accountability at transparency na mismong mga taga-gobyerno dapat ang nangunguna.

Facebook Comments