Manila, Philippines – Pumalag ang Makabayan Bloc sa Kamara sa suhestyon ng ibang kasamahang mambabatas na makipag-compromise sa pamilyang Marcos para maibalik ng buo ang nakaw na yaman.
Ayon kay ACT Teachers Rep. Antonio Tinio, hindi pwedeng isasauli na lamang ang ninakaw na yaman ng mga Marcos na parang walang nangyari at magkalimutan sa mga ginawa ng mga ito.
Aniya, maraming nilabag sa batas ang mga Marcos at dapat papanagutin ang mga ito lalo na sa mga nalabag na karapatan noong pamamayagpag ng kanilang pamilya.
Nais din ni Tinio na maging malinaw mula sa Pangulong Duterte kung anong kasunduan ang ipinapasok sa pamilyang Marcos para mabawi ang nasabing ill-gotten wealth.
Aniya, karapatan ng mga Pilipino na malaman ang detalye ng negosasyon sa pamilyang Marcos dahil ito ay pera din ng taumbayan.