Inihain ng MAKABAYAN sa Kamara ang dalawang resolusyon na nagpapaimbestiga sa hindi pamamahagi ng makinarya ng mga magsasaka at mga delayed na irrigation projects bunsod na rin ng negatibong epekto ng Rice Liberalization Law.
Sa House Resolution 539 na iniakda nila Bayan Muna Reps. Carlos Isagani Zarate, Eufemia Cullamat, at Ferdinand Gaite, pinasisiyasat sa House Committee on Agriculture and Food ang pagka-antala sa irrigation projects sa ilalim ng National Irrigation Administration (NIA).
Tinukoy sa resolusyon na batay sa Commission on Audit (COA) report, mayroong 299 irrigation projects na may kabuuang halaga na P20.704 Billion ang na-delay dahil sa ilang napaulat na problema sa mga kinuhang contractors at pag-tigil sa paggawa ng proyekto.
Maliban sa irigasyon, pinaiimbestigahan din ng Bayan Muna sa Kamara ang proseso ng pag-bili at pamamahagi ng mga makinarya para sa pagsasaka.
Sa House Resolution 540 inaatasan ang House Committee on Agriculture and Food at House Committee on Good Government and Public Accountability na imbestigahan ang hindi nagagamit na grain dryers at generators na aabot sa P88.15 Million o P2.73 Million hanggang P3.5 Million ang bawat isa.
Ang mga makinaryang ito aniya ay nakatago lamang sa mga NFA warehouses sa Regions 2, 6 at CARAGA.
Hiniling ng mga kongresista ang agad na imbestigasyon dito dahil ilan rin ang mga problemang ito sa itinuturong pag-bagsak ng kabuhayan ng mga mag-sasaka.