Ipapasilip ng Makabayan sa Kamara ang umano’y mishandling ng Philippine National Police (PNP) sa kaso ng nasawing flight attendant na si Christine Dacera na natagpuang patay sa isang hotel sa Makati noong Enero 1.
Sa House Resolution 1458, hinimok ng Makabayan ang House Committee on Public Order and Safety na magrekomenda sa mga kaukulang ahensya ng mga panukala para sa pagsasagawa ng masusing imbestigasyon upang matiyak ang patas at mahusay na resolusyon ng kaso.
Tinukoy ng mga militanteng kongresista ang premature na deklarasyon ng PNP na rape-slay ang kaso ni Dacera.
Pinuna rin ang maagang pagsasabi na lutas na kaso matapos maaresto ang tatlo sa 11 suspek.
Giit ng Makabayan, ang mga hindi beripikado at maling impormasyon ay hindi nakatutulong sa pagresolba ng kaso at sa halip ay nagreresulta ito sa trial by publicity at kalituhan sa pamilya ng biktima gayundin sa iba pang partido sa kaso.