Makabayan, naghain ng resolusyon para ipasilip ang mga napaulat na harassment, profiling at red-tagging sa mga organizers at volunteers ng community pantries

Pinapaimbestigahan ng Makabayan bloc sa Kamara ang ginawang profiling at red-tagging sa mga organizers at volunteers ng community pantries.

Sa House Resolution 1723, inaatasan ang House Committee on Human Rights na siyasatin “in aid of legislation” ang alegasyon ng harassment, profiling at red-tagging sa mga community pantry volunteers at organizers.

Nakasaad sa resolusyon na nitong April 20 ay napilitan ang organizer ng unang community pantry sa Maginhawa Street, Quezon City na si Ana Patricia Non na magsara pansamantala dahil sa profiling na ginawa ng Philippine National Police (PNP) sa kanya at sa kanyang mga volunteers.


Bukod dito, naikalat din sa social media page ng iba’t ibang police station ang red-tagging sa mga community pantries.

Nakadagdag pa sa pagkabahala ng mga community pantries ang pahayag ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary for Barangay Affairs Martin Diño na kailangan ng mga ito na kumuha muna ng permit dahil sa paglabag sa protocol na kalaunan ay binawi naman din ng opisyal.

Sa kasalukuyan ay umaabot na sa 30 ang community pantries.

Iginiit ng mga kongresista ng Makabayan ang magandang adhikain ng community pantries sa pagtulong sa mga nangangailangan sa gitna ng pandemya at maski ang Ehekutibo ay kinikilala na rin ang magandang inisyatibong sinimulan ng community pantries.

Facebook Comments