Pinapaimbestigahan ng Makabayan Bloc sa Kamara ang kontrobersyal na ‘white sand’ project ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa Manila Bay.
Sa House Resolution 1194 na inihain ng mga kongresista sa Makabayan ay binibigyang direktiba ang Kamara na silipin ang ‘suitability at sustainability’ ng Manila Bay Rehabilitation Program partikular na sa pagbubuhos ng crushed dolomite boulders sa baybayin.
Nakasaad sa resolusyon ang pagtutol ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas, Kalikasan People’s Network for the Environment, Oceana at Greenpeace sa proyekto bunsod ng sinasabing ‘impact’ nito sa kalusugan at kapaligiran gayundin ang hindi nararapat na paggamit sa pondo.
Maging ang ilang myembro ng academe ay nagpahayag na maaaring maghain ng ‘writ of kalikasan’ sa Korte Suprema ang mga kritiko upang mapatigil ang proyekto.
Pero mababatid na dinepensahan ni Environment Secretary Roy Cimatu sa pagdinig ng kanilang budget sa Kamara na hindi delikado sa kapaligiran at sa kalusugan ng publiko ang inilagay na dolomite sand sa Manila Bay.
Tiniyak ng Kalihim sa taumbayan na ito ay pinag-aralan muna bago nila gawin at salig sa kautusan ng Supreme Court noong 2008 ang ginagawa nilang paglilinis at pagpapaganda sa lugar.
Ang P389 million na pondo naman dito ay bahagi ng special purpose fund noong 2019 na inaprubahan ng Department of Budget and Management (DBM) na nakalaan talaga sa rehabilitasyon ng Manila Bay.