Kinalampag ng mga kongresista ng Makabayan ang Ehekutibo para sertipikahang “urgent” ang Bayanihan 3.
Bunsod ito ng pagsadsad pa rin ng ekonomiya sa 4.2% ngayong unang quarter ng taon.
Muling iginiit ni Gabriela Partylist Representative Arlene Brosas kay Pangulong Rodrigo Duterte na agad na sertipikahan ang P405.6 billion na Bayanihan 3.
Magkagayunman, pinatataasan naman ni Brosas sa P10,000 ang universal cash aid sa Bayanihan 3 para sa lahat ng pamilyang apektado ng COVID-19 pandemic sa halip na P2,000 sa bawat Pilipino.
Sinabi naman ni Bayan Muna Partylist Rep. Carlos Zarate na dahil sa pagbagsak ng ekonomiya, napapanahon na para madaliin ang pag-apruba sa Bayanihan 3 gayundin sa iba pang panukalang batas na makatutulong sa mga Pilipino ngayong pandemya.
Kailangan na aniyang ayudahan ng pamahalaan ang mga Pilipino para matiyak ang pag-ikot ng ekonomiya lalo’t mabagal ang vaccination program ng pamahalaan at malayo pa sa katotohanan ang mabilis na pagkamit ng herd immunity.