MAKABAYAN, pinasususpindi na ang Oplan Double Barrel ng gobyerno

Manila, Philippines – Kinalampag ng MAKABAYAN sa Kamara ang Pangulong Duterte na suspendihin na ang Oplan Double Barrel at ang One Time Big Time Operation ng PNP sa kanilang kampanya kontra iligal na droga.

Giit dito ni ACT Teachers Rep. Antonio Tinio, kung nagawa noon na isuspindi ang kampanya sa war on drugs matapos mapatay sa loob ng Crame ang Koreanong si Jee Ick Joo, mas dapat na itigil ngayon ang Oplan Tokhang ng pamahalaan dahil isang menor de edad na ang napatay sa operasyon.

Sinabi ni Tinio na dapat na tiyakin ng gobyerno na wala ng madadamay na inosente sa paglaban sa iligal na droga.


Kasunod nito ay hinikayat naman ni Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate ang liderato ng Kamara na i-kalendaryo na ang resolusyon na nagpapaimbestiga sa kaso ni Kian at ng iba pang mga kaso ng extra judicial killings.

Aniya, nasa tatlo na ang resolusyon na naihain ng MAKABAYAN para siyasatin ang mga kaso ng EJKs pero nakatengga lamang ito hanggang ngayon sa Kamara.

Tinutulan naman ni Gabriela Rep. Emmi de Jesus ang sinasabi ni Justice Sec. Vitalliano Aguirre na isolated case ang pagkakapatay sa Grade 11 student na si Kian delos Santos.

Sinabi ni de Jesus na nakakagalit ang pahayag na ito ng kalihim lalo’t marami ng nagpapahayag ng galit sa nangyayari sa marahas na pagpatay dahil sa kampanya kontra iligal na droga.

Facebook Comments