Inalmahan ng mga kongresista ng MAKABAYAN Bloc ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na “maliit na bagay” lang ang COVID-19.
Ayon kay Bayan Muna Partylist Rep. Carlos Zarate, hindi dapat minamaliit ng Pangulo ang isang taong paghihirap ng mga Pilipino dahil sa nararanasang pandemya.
Iginiit ng kongresista na napakalaking bagay ang usapin ng mga nawalan ng trabaho, kapakanan ng mga medical frontliners, malaking inutang ng bansa para sa pagtugon sa pandemya at ang libo-libong nasawi dahil sa COVID-19.
Binigyang diin naman ni ACT Teachers Partylist Rep. France Castro sa Presidente, na nagdurusa ang buong bansa dahil sa COVID-19 na pinalala pa ng aniya’y mga palpak na polisiya ng administrasyon.
Wala na rin aniyang dating sa mga tao ang mga pahayag ng Pangulo na “huwag matakot, hindi ko kayo iiwan” dahil ang kailangan ngayon ng publiko ay konkretong mga plano at aksyon, lalo na ang mabilis na rollout ng bakuna.
Sinabi naman ni Gabriela Partylist Rep. Arlene Brosas na insulto sa mga namatayan, nagkasakit at nahirapan dahil sa COVID-19 ang pagmamaliit ng Pangulo sa nararanasang health crisis.