Manila, Philippines – Sisingilin ng Makabayan sa Kamara ang Pangulong Duterte hinggil sa mga isyu na hindi pa nareresolba sa ilalim ng kanyang administrasyon.
Ayon kay Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate, bago ang mismong SONA ng Pangulo ay makikilahok muna ang grupong Makabayan sa Kamara sa kilos-protesta para sa “SONA ng Bayan.”
Ipapanawagan nila Zarate, Act Teachers Reps. Antonio Tinio at France Castro, Gabriela Rep. Emmi de Jesus, Kabataan Rep. Sarah Elago, at Anakpawis Rep. Ariel Casilao sa protesta ang pagtutol sa extension ng martial law sa Mindanao.
Giit ng mga ito, marami ang nadadamay at napipinsala sa ilalim ng martial law.
Mariin ding tutulan ng grupo sa kanilang pagkilos ang all-out war policy dahil ito ay nakakaapekto sa usapang pangkapayapaan ng gobyerno at ng National Democratic Front.
Bukod sa mga pangunahing concern ng Makabayan, ilan pa sa mga usapin na sisingilin nila sa Pangulo ay ang pangako na tapusin ang Endo, pagpapatupad ng libreng edukasyon sa lahat ng SUCs, dagdag na sweldo sa mga manggagawa at guro, benepisyo para sa mga magsasaka, at ang tax reform program ng pamahalaan.