Mariing kinontra ng mga kongresistang kasapi ng Makabayan Bloc ang pag-apruba ng House Committee of the Whole sa Resolution of Both Houses of RBH 7 na nagsusulong ng Economic Charter Change.
Ayon kay Gabriela Party-list Rep. Arlene Brosas, puro pangako lang ang hatid ng Foreign Direct Investment pero wala naman talagang naitulong sa pagpapababa ng presyo ng bilihin at serbisyo at mga bayarin tulad ng kuryente at tubig.
Kinuweston naman ni Kabataan Party-list Rep. Raoul Manuel ang pag-apruba ng Committee of the Whole sa mismong mga amendments na nais ipasok sa 1987 Constitution sa halip na aprubahan lamang ay ang RBH 7.
Muli namang iginiit ni ACT-Teachers Party-list Rep. France Castro na hindi na dapat baguhin ang saligang batas dahil hindi naman ito ang may kasalanan sa hindi magandang sitwasyon natin ngayon kundi ang mga polisiya na ipinatutupad natin sa ekonomiya, sa edukasyon, at sa iba pang mga larangan.