Makakatanggap ng Scholarship Mula sa SM Foundation, Sasalain na sa Pebrero 14!

Cauayan City, Isabela – Muli na namang inextend o pinalawig ang screening ng pagbibigay ng scholarship sa taong 2018-2019 para sa mga karapat-dapat na mga estutdyante sa kolehiyo.

Sa ipinarating na impormasyon ng SM City Cauayan, muling nagtakda ng pagsusulit ang SM Foundation, para sa nasabing programa, sa darating na Pebrero 14, 2018.

Ang isasagawang screening ay mula sa mga nagsumite ng kanilang aplikasyon online at bukas din naman sa mga walk-in applicants.


Gaganapin sa SM City Cauayan Building A Bridgeway alas diyes ng umaga ang scholarship screening at susundan naman ng interview sa hapon para sa mga makakapasang estudyante.

Ang mga estudyanteng sasailalim sa pagsusulit ay kinakailangang naka-kumpletong school uniform, may dalang photocopy ng grade 12 o 4th year report card na may general weighted average na 88% sa 2nd o 3rd grading period, photocopy ng BIR Income Tax Return o Certificate of Non-filing of Income Tax, at sariling ballpen na panulat.

Bukod sa scholarship, allowances na ibibigay, maaari ding makapagtrabaho ng part-time sa panahon ng semestral o Christmas break ang mga SM Foundation scholars’ para sa ekstrang kita.

Facebook Comments