Manila, Philippines – Iginiit ngayon ng mga senador na kabilang sa oposisyon ang patunay na mahina ang kasong may kaugnayan sa iligal na droga na isinampa laban kay Senator Leila De Lima. Ayon kina Senators Risa Hontiveros, Francis Kiko Pangilinan at Antonio Trillanes IV, ito ay makaraang ibasura ng Department of Justice o DOJ panel ang kaso nina Kerwin Espinosa, Peter Lim at Peter Co. Tinukoy ni Hontiveros na nawalan ng saysay ngayon ang sinabi ni Espinosa na binigyan niya ng 8-million pesos si De Lima mula sa operasyon ng iligal na droga. Diin naman ni Senator Kiko Pangilinan, kung sinasabi ng DOJ panel na walang kinalaman si Espinosa sa droga ay wala na ring dahilan para manatili pa sa bilangguan si De Lima. Hinanakit naman ni Senator Antonio Trillanes IV, kapag drug lords at kumpare ng Pangulo ay inabswelto at may due process pa pero kapag katulad ni De Lima na kritiko ng administrasyon, ay ginagawan ng mga scripted na testimonya na madaliang isinasampa sa korte para agad na makulong.
MAKALALAYA NA KAYA? | Pag-abswelto kina Espinosa at Lim, nagpapahina sa kaso laban kay Senator De Lima
Facebook Comments