Cauayan City – Makapal na putik ang tumambad sa mga kalsada sa bahagi ng East Tabacal Region matapos na humupa ang tubig-baha sa lugar.
Matatandaang nalubog ang malaking bahagi ng East Tabacal Region sa lungsod ng Cauayan dahil sa naranasang malakas na pagbuhos ng ulan noong paghagupit ng Super Typhoon Pepito.
Bagama’t humupa na ang tubig-baha, kinakailangan pa ring magdoble ingat sa pagtawid sa mga kalsada dahil sa madulas na daan dulot ng makapal na mga putik.
Maliban sa mga putik, may mga sanga rin ng mga punongkahoy ang naipon sa gilid ng mga kalsada habang ang ilang mga poste ng kuryente ay natumba at inanod rin ng tubig-baha.
Sa ngayon ay patuloy naman ang ginagawang paglilinis ng mga residente sa mga kalat, punongkahoy, at mga sanga na iniwan ng tubig-baha sa kanilang lugar.