MAKASAYSAYANG CENTENNIAL CANONICAL CORONATION NG MINOR BASILICA OF OUR LADY OF THE HOLY ROSARY OF MANAOAG SA ABRIL 22, HANDANG-HANDA NA

All systems go na ang paghahanda ng LGU Manaoag, simbahan, at iba’t ibang ahensya para sa nalalapit na Centennial Canonical Coronation ng Mahal na Birhen ng Manaoag sa Abril 22.

Sa isinagawang Media Press Conference kahapon, Abril 7, inilahad ng mga paring Dominikano, LGU officials, at kinatawan ng PNP, BFP, Health Units, POSO, at MDRRMO Manaoag ang kanilang komprehensibong plano upang matiyak ang kaayusan, seguridad, at kaligtasan ng inaasahang dagsa ng mga deboto.

Tinatayang aabot sa humigit-kumulang 1.5 milyong deboto ang dadalo sa makasaysayang selebrasyon, dahilan upang mas maagang sinimulan ang masusing paghahanda at koordinasyon ng lahat ng sektor.

Sa nasabing Presscon, Pinangunahan ni Rev. Fr. Roberto G. Reyes, OP , tagapagsalita ng simbahan, ang pagbibigay ng overview at tema ng pagdiriwang. Ayon sa kanya, bago ang koronasyon sa Abril 22, isasagawa muna ang dedication rites ng simbahan sa Abril 21 kasunod ng isinagawang renovasyon nito bilang paghahanda sa okasyon.

Samantala, inilahad naman ni Rev. Fr. Jerone R. Geronimo, OP ang ruta at daloy ng prusisyon upang matiyak ang maayos na galaw ng mga deboto sa araw ng selebrasyon.

Sa panig ng kapulisan, tiniyak ni Chief of Police ng Manaoag Police Station PMAJ. Peter Paul Sison na magpapatupad ng augmentation force mula sa iba’t ibang police stations sa Pangasinan at Police Regional Office upang mapanatili ang kaayusan. Habang Nagbabala rin ito ng mahigpit na pagpapatupad ng seguridad, kabilang ang pagbabawal sa mga bagay na maaaring magdulot ng aberya.

Ibinahagi naman ng LGU Manaoag na magtatayo ng 11 medical stations, maglalaan ng 30 parking areas, at maghahanda ng iba pang essential services para sa mga dadalo.

Ayon kay Mayor Jeremy Agerico Rosario, ang mga paghahandang ito ay para sa kapakanan ng lahat. Gayunman, pinaalalahanan niya ang publiko na kung hindi kakayanin ang pagdalo dahil sa inaasahang dami ng tao, maaaring makisubaybay na lamang sa mga online platforms na inihanda ng lokal na pamahalaan.

Samantala, binigyang-diin naman ni Archbishop Socrates Villegas na sa kabila ng mga hamon sa mundo, nananatiling matatag ang pananampalataya ng mga deboto—isang patunay ng patuloy na pagmamahal sa Panginoon.

Sa huli, ang pagdiriwang ng Centennial Canonical Coronation ay hindi lamang isang makasaysayang okasyon kundi isang pagpupugay sa mahal na Birhen ng Manaoag, na matagal nang kinikilalang simbolo ng pananampalataya, pag-asa, at mga himala para sa milyun-milyong deboto.

Ipinagdiriwang nito ang ika-100 taon mula nang opisyal na koronahan ang Our Lady of the Holy Rosary of Manaoag noong 1926, isang pagkilala ng Simbahang Katolika sa malalim na debosyon at patuloy na pananalig ng mga Pilipino sa Mahal na Ina. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments