Tiniyak ng lokal na pamahalaan ng bayan ng Manaoag na handa na ang lahat para sa gaganaping ika-100 Canonical Coronation ng Our Lady of the Rosary of Manaoag.
Sa eksklusibong panayam ng IFM News Dagupan kay Mayor Jeremy Agerico Rosario, sinabi ng alkalde na “all systems go” na ang mga paghahanda para sa makasaysayang pagdiriwang ng mahal na patrona ng bayan na mas kilala bilang “Apo Baket.”
Ibinahagi rin ng alkalde ang kaniyang karanasan noong 1975 Golden Jubilee ng Canonical Coronation kung saan dagsa ang mga deboto.
Aniya, tulad noon na naglagay ng altar sa harapan ng simbahan upang masaksihan ng mas maraming tao ang seremonya, mas pinalalawak ngayon ang paghahanda sa pamamagitan ng paglalagay ng karagdagang LED walls upang maging malinaw ang panonood kahit ng mga debotong nasa labas ng Minor Basilica.
Gaganapin ang sentenaryong pagdiriwang sa Abril 21, 2026, kung saan inaasahang muling dadagsa ang libo-libong deboto mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa at maging sa ibang bansa.
Kasabay nito, hiling ng lokal na pamahalaan ng Manaoag ang kooperasyon at maayos na pakikibahagi ng publiko upang mapanatili ang kaayusan, kaligtasan, at kabanalan ng pagdiriwang.
Ang Canonical Coronation ng Our Lady of Manaoag ay isang banal na pagkilala ng Simbahang Katolika bilang pasasalamat at pagpupugay sa Birheng Maria sa patuloy na pananampalataya at debosyon ng mga mananampalatayang Katoliko.
Ang Our Lady of Manaoag ay unang ginawaran ng Canonical Coronation noong Abril 21, 1926, sa bisa ng pahintulot ni Pope Pius XI, dahilan upang ang taong 2026 ay ituring na eksaktong ika-100 taon o sentenaryo ng naturang koronasyon, isang bihirang karangalang ipinagdiriwang lamang ng iilang Marian shrines sa buong mundo.







