Nanindigan ang lokal na pamahalaan ng Makati na sumunod sa kondisyon ng Deed of Donation ng Department of Health nang bawiin ang ambulansya na ibinigay sa Barangay Comembo.
Isa ang Comembo sa mga barangay na pinag-agawan ng Makati at Taguig.
Ayon kay Makati City Administrator Claro Certeza, taliwas sa social media post ng Taguig, kaya kinuha ang ambulansya sa Barangay Comembo ay para ayusin at siguruhin na road worthy pa ito bago ibalik sa DOH gaya ng isinasaad sa Deed of Donation.
Ayon kay Certeza, ibinigay ng DOH ang ambulansya sa lokal na pamahalaan ng Makati at hindi sa Barangay Comembo.
Sinabi pa ng opisyal na halatang gusto lang siraan ng Taguig ang Makati at nais lang pagtakpan ang kakulangan sa pagbibigay serbisyo sa mga taga-Comembo.
Hindi naman kasi aniya maaring idiretso ang pagbibigay ng ambulansya sa Taguig dahil kailangan munang idaan ito sa DOH.
Una nang nagpalabas ng desisyon ang Supreme Court na 10 barangay sa Makati ay sakop na ng Taguig.