Iniutos ni Makati City Mayor Abby Binay na magpadala ang Makati Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO) ng rescue team at mga kagamitan sa Marikina City upang tumulong sa mga nasalanta ng Bagyong Ulysses.
Ayon kay Mayor Binay, 9 na DRRMO Search and Rescue personnel, 2 rescue ONE boats, isang ambulansya at isang emergency response vehicle ang kasalukuyang nasa Barangay San Roque at tumutulong sa paglikas ng mga residente.
Paliwanag ng alkalde, laging handang tumulong ang Makati sa mga nasalanta ng bagyo sa loob man o sa labas ng lungsod.
Una rito, nanawagan si MMDA Chairman Danilo Lim sa mga LGU na hindi masyadong naapektuhan ng hagupit ng Bagyong Ulysses na tumulong sa pagsagip sa mga residente ng Marikina City na nasa kani-kanilang mga bubong.