Makati, Mandaluyong at Baguio City, tinukoy bilang high-risk areas ng OCTA Research Team; Makati LGU, umalma!

Tatlong lungsod sa Luzon ang tinukoy ng OCTA Research Team bilang high risk areas matapos na makapatala ng matataas na kaso ng COVID-19 ngayong buwan.

Mula October 11 hanggang 17, nakapagtala ng 59 average cases ang Makati City na sinundan ng lungsod ng Baguio na may 70% critical level sa hospital occupancy.

Pangatlo ang Mandaluyong na may natitira na lamang na 15% hospital occupancy sa dami ng mga COVID-19 patient na na-admit sa ospital.


Nananatili ring high-risk sa COVID-19 ang Pasig, Pasay, Marikina, Iloilo at Ilagan City sa Isabela.

Kaugnay nito inirekomenda ng OCTA Research Team sa mga local government unit (LGU) na paigtingin ang COVID-19 testing, contact tracing, isolation, agresibong implementasyon ng lockdown at maging istrikto sa kanilang border.

Samantala, inalmahan ng Makati LGU ang finding ng grupo at iginiit na taliwas ito sa ulat ng Department of Health na mababa ang attack rate sa lungsod na nasa 6.21 lamang at maituturing na low risk.

Sa kabila naman ng pagtaas sa critical healthcare capacity, tuloy ang pagbubukas ng Baguio City bukas para sa mga turistang manggagaling sa Luzon.

Facebook Comments