Iniimbestigahan na ngayon ng Philippine National Police-Directorate for Investigative and Detective Managament (PNP-DIDM) ang mga police officers ng Makati na nagsagawa ng imbestigasyon sa pagkamatay ng flight attendant na si Christine Dacera.
Ito ang inihayag ni PNP Chief General Debold Sinas sa isinagawang press conference sa Camp Crame.
Aniya, aalamin ng PNP-DIDM ang mga naging lapses ng mga tauhan ng PNP Makati sa pag-iimbestiga sa krimen.
Sinabi ni PNP Chief Sinas na binibigyan niya ang DIDM nang hanggang Miyerkules o January 13 para tapusin ang imbestigasyon sa mga pulis sa Makati.
Ginawa ang imbestigasyon sa mga pulis sa Makati matapos ang una nilang pahayag na ginahasa si Dacera at pinatay sa kabila na wala pang nakukuhang matibay na ebidensya.
Bago ito, una nang inutos ni PNP Chief Sinas na paganahin ang Special Investigation Task Group kay Dacera na pinamumunuan ng PNP CIDG para mas matutukan ang kaso.
Sa ngayon ayon kay NCRPO Chief General Vicente Danao Jr. mas nagiging masusi ang ginagawang imbestigayson sa ngayon at mas maigi aniyang hintayin na lamang ang resulta ng imbestigasyon.