Manila, Philippines – Mariing itinanggi ni Transportation Secretary Arthur Tugade na “nagpapetiks-petiks” o “nagpa-easy-easy” lang sila sa pag-aalis sa sumadsad na eroplano ng Xiamen airline sa international runway ng NAIA noong August 16.
Sa pagdinig ng Senado iginiit ni Tugade na makatwiran ang 36 na oras na itinagal bago tuluyang maialis ang eroplano.
Bukod kasi sa malaki ang eroplano, kargado pa ito ng apat na toneladang jet fuel na kung magkakamali sila ng hatak ay posibleng sumabog.
Aniya, nangyari na rin ang ganitong insidente sa ibang bansa gaya sa Taiwan na inabot pa nga ng apat na araw bago naialis ang humambalang na aircraft.
Giit pa ni Tugade, kung tutuusin, trabaho talaga dapat ng airline company na alisin ang eroplano at tumulong lang sila.
Kasabay nito, pinabulaanan din ng kalihim ang ulat na naparalisado ang buong operasyon ng NAIA dahil sa insidente.