Cauayan City, Isabela- Ipinasakamay na sa mga kooperatiba ng magsasaka sa probinsya ng Isabela ang iba’t-ibang klase ng makinarya bilang tulong sa mas produktibong pagsasaka.
Ayon kay Isabela Governor Rodito Albano III, mas marami aniya ang bilang ng mga makinaryang ipapamahagi ng Department of Agriculture (DA) kaysa sa bilang ng taong tatanggap nito.
Para sa Gobernador, malaking tulong ito para sa modernisasyon ng agrikultura na makakatulong sa lahat ng mga magsasaka para sa mas mabilis na pagsasaka.
Naniniwala din si Gov. Albano na ang modernisasyon ng agrikultura ay mabisang panlaban sa Climate Change dahil kung hindi aniya ma-modernize ang agrikultura ay tiyak na mahuhuli ang mga magsasakang Pilipino.
Tiniyak naman nito na susuporta ang pamahalaang panlalawigan sa maintenance ng mga makinarya.
Nagpapasalamat din ang Gobernador kay DA Sec. William Dar dahil sa walang humpay nitong pagpapaabot ng tulong sa mga Isabelinong magsasaka.