Manila, Philippines – Lalo nang lumabo ang pagsisikal ng Senado na maipasa ngayong Biyernes ang panukalang 2019 national budget na sobrang atrasado ng isinumite ng Kamara.
Ayon kay Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, ang gipit nilang panahon sa pagtalakay ng budget ay nasingit pa ng mga kaganapan kaugnay sa hirit na mapalawig muli ang martial law sa buong Mindanao.
Noong Lunes sa halip na magsagawa sila ng budget deliberations ay binigyang diin nila ang briefing ng security officials kaugnay sa sitwasyon sa Mindanao na isinailalim sa batas militar simula noong May 2017.
At ngayong araw ay muling nabinbin ang kanilang budget deliberations dahil sa ginaganap na joint session sa Kamara kaugnay pa rin sa hiling ni Pangulong Rodrigo Duterte na martial law extension.
Diin ni Zubiri, hindi naman pwedeng basta na lang nila ipasa ang pambansang budget nang hindi sinusuri lalo pa at may mga nakasiksik daw ditong pork barrel.
Sabi naman ni Senate Minority Leader Franklin Drilon, sa halip na Oktubre o Nobyembre ay ilang araw bago mag Disyembre na ibigay sa kanila ng Kamara ang proposed budget kaya siguradong matatapos nila ang pagtalakay dito sa pagbabalik ng session sa January 13, 2019.