Muling nag-ikot si Mayor Francisco “Isko” Moreno sa ilang bahagi ng lungsod ng Navotas, Malabon.
Ito’y bilang bahagi ng kaniyang listening tour para malaman ang hinaing ng ating mga kababayan bago ang simula ng kampaniya sa 2022 national elections.
Sa pakikipag-ugnayan ni Mayor Isko sa mga residente ng Navotas at Malabon, binalaan niya ang mga ito sa mga politikong nanghihikayat para sa mga ikinakasang rally, caravan at motorcade kapalit ng bayad.
Aniya, siguradong kapag naupo sa pwesto ang mga ganitong uri ng politiko ay tiyak na babawiin nila ang kanilang mga nagastos sa pangangampaniya.
Bukod dito, itinanggi rin ng alkalde ang lumalabas na isyu na nagbayad siya ng P300 milyon para sa mga advertisement sa TV.
Iginiit ni Mayor Isko na nangangailangan pa nga sila ng tulong para sa kanilang pangangampanya para sa 2022 national election.
Kaniya raw pasasalamatan kung sino ang nais na sumuporta dahil malaking tulong ito para sa kaniya at sa buong partido.
Dagdag pa ni Mayor Isko na ang kaniyang binibigyang pansin ngayon ay ang mga tao para alamin ang kanilang problema.