Malabon City Mayor Oreta at kanyang asawa, kinasuhan sa Ombudsman dahil sa nepotismo, pagnanakaw at korapsyon

Mga kasong administratibo, sibil, at criminal ang isinampa sa mag-asawang sina Mayor Antolin Oreta III at Chef Melissa Grace Oreta dahil sa nepotism at ibang graft and corruption practices at paglabag sa Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees sa tanggapan ng Office of the Ombudsman sa lungsod ng Quezon.

Matapos maupong pansamantalang pangulo at tagapangulo ng lupon ng mga rehente ng City of Malabon University (CMU) sa unang bahagi ng taong 2020, itinalaga ni Mayor Oreta ang kanyang asawang si Chef Oreta bilang isang kasangguni at kontraktwal na propesor sa College of Business Administration ng CMU.

Noong Nobyembre 2020, itinaas ng lupon ng mga rehente ng CMU ang posisyon ni Chef Oreta sa dean ng College of Business Administration.


Pagkatapos nito, itinaas ng lupon ang posisyon niya sa bise presidente ng academic affairs ng CMU noong Enero 2021 at noong Setyembre 2021, naluklok si Chef Oreta sa posisyong OIC o presidente ng pamantasan.

Siya ay naging opisyal ng CMU mula Nobyembre 2020 na kinakatawan ang pamantasan sa lahat ng opisyal na mga transaksyon at mga gawain.

Nakasaad sa sinumpaang salaysay ni Gary Santos Garcia, residente ng lungsod ng Malabon na ang pagtalaga ni Mayor Oreta kay Chef Oreta sa ilang posisyon sa CMU ay isang uri ng nepotismo o ang paghirang sa posisyong pabor sa kamag-anak ng nagrerekomendang awtoridad o mga taong may direktang pangangasiwa sa hinirang, na ipinagbabawal sa Administrative Code of 1987.

Ayon pa kay Garcia, ang mga nasabing promosyon sa mga bakanteng posisyon ay hindi nalathala ayon sa utos ng Batas Republika Bilang 7041 o Act Requiring Regular Publication of Existing Vacant Positions in Government Offices at sa 2017 Omnibus Rules on Appointments and Other Human Resources Actions (ORAOHRA).

Hinahangad ng naghain ng kaso na mapatawan ng Order of Preventive Suspension sina Mayor Oreta at Chef Oreta habang nakabinbin ang pagsisiyasat at paghatol sa kanila.

Layunin din ng kaso na tuluyang mapaalis sa posisyon ang mga opisyal dahil ang nepotismo ay isang mabigat na kasong administratibo.

Facebook Comments