Pinaiimbestigahan na ni Mayor Jeannie Sandoval ang reklamong hindi pagpapasahod sa mga guro at professor sa kanilang City of Malabon University (CMU).
Nabatid sa reklamo ng mga guro at professor, mahigit tatlong buwan na silang hindi nakakasweldo at wala rin silang natatanggap na honorarium mula sa Malabon LGU.
Sa pahayag ni Dr. Glenn de Vera de Leon ang VP for Academic Affairs ng CMU, inilapit na nila sa opisina ni Mayor Sandoval ang reklamo dahil hindi na kinakaya pa ng mga guro at professor ang patuloy na pagtaas ng bilihin lalo na’t wala silang nakukuhang sweldo.
Iginiit ni Mayor Sandoval na hindi niya hahayaan ang ganitong insidente at tututukan ang nasabing isyu kung saan iniutos na rin niya ang malalimang imbestigasyon.
Kaugnay nito, binigyan ni City Hall Administrator Alex Rosete ng 72-oras ang HR ng CMU para magpaliwanag kung bakit walang natatanggap na sweldo ang mga guro at professor.
Aminado si Mayor Sandoval na ang nangyayaring isyu sa CMU ay resulta ng usaping politika na dekada na ang binibilang pero hindi siya papayag manatili ito sa ganitong sitwasyon lalo na’t parte ng kaniyang administrasyon na isulong ang pagbabago para sa kapakanan ng mga taga-Malabon.