Ipinatutupad na ng Lokal na Pamahalaan ng Malabon ang 30-minute shifting break para sa mga traffic enforcer ngayong tumitindi ang init ng panahon.
Ayon kay Malabon City Public Safety and Traffic Management Office Chief Police Col. Reynald Medina, kailangang mapangalagaan ang kalusugan at kaligtasan ng mga enforcers na maghapong nakabilad sa araw dahil sa pagmamando ng trapiko.
Binigyan sila ng 30 minuto para makapagpahinga, makainom ng tubig at para maibsan ang sobrang init.
Nabatid na nasa mahigit 40 na traffic enforcers kada shift ang naka-deploy sa iba’t ibang lugar sa Malabon kada araw.
Kabilang na rito ang nakatalaga sa mga fixed post at mga traffic motorcycle patrollers na nag-iikot sa mga kalsada.
Sa kabila naman ng matinding init, sinisiguro pa rin ng mga traffic enforcers ng Malabon ang maayos na daloy na trapiko sa lungsod.